Thursday, December 29, 2022

Pahayag ng SALIKA sa ika-126 na anibersaryo ng pagbitay kay Dr. Rizal

PAHAYAG NG SALIKA SA IKA-126 NA ANIBERSARYO NG PAGBITAY KAY DR. RIZAL
Disyembre 30, 2022

GAT JOSE RIZAL, MAGITING NA BAYANI, ENVIRONMENTALIST;
NOBELISTANG BINITAY DAHIL SA KANYANG NAGAWA'T SULATIN

Taospusong nakikiisa ang SanibLakas ng Inang Kalikasan (SALIKA) sa paggunita ng sambayanang Pilipino, saanmang panig ng mundo, sa ika-126 na anibersaryo ng pagbitay kay Gat Jose Rizal, isa sa mga pambansang bayani ng Pilipinas.

Ayon sa pananaliksik, nang ipatapon si Rizal ng mga Kastila sa Mindanao, sa Dapitan na bahagi ng Zamboanga, nagsagawa si Rizal ng mga proyektong pangkomunidad sa Dapitan na nagbibigay sa mga tao ng maayos na kalusugan, kalinisan at mga benepisyo sa ekolohiya. Tulad ng proyektong akwedukto o paagusan sa isang tulay na ginawa upang magdala o magpadaloy ng tubig, mula sa batis ng bundok na nagbigay sa mga tao ng Dapitan ng malinis na tubig, ang pagpapatuyo ng mga latian upang makontrol ang pagdami ng mga lamok na malaria, ang pagpapaganda ng liwasang bayan, paggamit ng mga lampara ng langis ng niyog sa pagsisindi ng mga lansangan, at pagtatanim ng mga puno sa iba't ibang bahagi ng bayan.

Bilang manggagamot, inatal din ni Rizal ang mga lokal na halamang gamot at inireseta ang mga ito sa kanyang mahihirap na pasyente upang maibsan ang kanilang mga problema sa kalusugan.

Kaya sa mismong Araw ng Pagbitay kay Rizal, kami sa SALIKA ay mahigpit na kinikilala si Dr. Jose Rizal bilang halimbawa ng magiting na bayaning environmentalist, na hindi lamang sumulat ng dalawang nobelang nagmulat sa sambayanan upang lumaya sa kuko ng mga mapaniil at mapagsamantalang dayuhan at kababayan, na nagdulot ng pagbitay sa kanya noong umaga ng Disyembre 30, 1896, kundi pati ang kanyang mga halimbawa ng pangangalaga sa kalikasan at kapaligiran na nakatulong sa mga tao upang maging malusog, malakas, at makakalikasan.

Mabuhay ang mga pamana ni Gat Jose Rizal! Mabuhay si Rizal, ang environmentalist! Halina't gawin natin siyang inspirasyon at tularan ang kanyang mga halimbawa para sa kinabukasan ng mga susunod pang salinlahi!

Pinaghalawan:
http://ecowastecoalition.blogspot.com/2011/06/environmentalists-hail-dr-jose-riza-as.html
https://www.philstar.com/business/science-and-environment/2018/12/27/1880037/looking-rizal-environmentalist

No comments:

Post a Comment

Pamumuno sa grupong SALIKA

PAMUMUNO SA GRUPONG SALIKA Munting pagninilay ni Gregorio V. Bituin Jr. Isang malaking karangalan ang maipasa sa inyong lingkod ang pagiging...