Friday, December 30, 2022

Pahayag ng SALIKA sa Bisperas ng Bagong Taon

PAHAYAG NG SALIKA SA BISPERAS NG BAGONG TAON
Disyembre 31, 2022

HUWAG MAGPAPUTOK NG BARIL AT LABINTADOR!
HUSTISYA SA MGA NATAMAAN NG STRAY BULLET!
HUWAG DAMPUTIN ANG MGA HINDI PUMUTOK NA LABINTADOR!
SALUBUNGIN ANG 2023 NANG MALUSOG, WALANG SUGAT AT MASAYA!

Mahigpit na nakikiisa ang SanibLakas ng Inang Kalikasan sa pagsalubong sa Bagong Taon 2023.

Wish namin na sana'y wala nang magpaputok ng baril sa pagsapit ng Bagong Taon, lalo na't kayrami nang namatay sa ligaw na bala tuwing sasapit ang Bagong Taon sa mga nakaraan. Nariyan ang batang pitong taong gulang na si Stephanie Nicole Ella ng Kalookan, na namatay sa stray bullet noong Bagong Taon 2013. Nariyan din ang mga sanggol na sina Vhon Alexander Llagas at Rhanz Angelo Corpuz. Nasumpak naman sa Mandaluyong ang apat na taong gulang na si Ranjelo Nimer. Mabuti't nahuli agad ang suspek.

Nitong Bagong Taon 2021, namatay ang isang edad 12 babae sa Lanao del Norte, at nasaktan sa ligaw na bala ang isang edad anim na batang lalaki sa Santa Catalina, Negros Oriental, at isa pa mula sa Dagupan City sa Pangasinan. Isa namang pulis-Malabon ang kinasuhan dahil sa indiscriminate firing.

Wala na rin sanang magpaputok ng mga labintador at malalakas na paputok tulad ng plapla, superlolo Goodbye Philippines, Paalam Daliri, at marami pang iba, upang wala nang masaktan at maputulan pa ng daliri, na malaki ang epekto sa kinabukasan ng kabataan. Baka hindi sila matanggap sa trabaho, o kung nais nilang magsundalo o pulis pag naputulan na sila ng daliri. Sasagutin ba ng mga pabrika ng paputok ang gamot ng mga biktima ng paputok? Paano ang kinabukasan ng mga bata?

Pangalagaan natin ang kalikasan at kalusugan. Huwag damputin ang mga hindi suminding labintador, dahil maaari pang pumutok ang mga ito pag nainitan. Agad na linisin ang inyong bakuran at tapat ng kalsada upang hindi magkaroon ng disgrasya, kung sakali man. Huwag ibili ng watusi ang inyong anak at baka ang maliliit ito'y malunok, tulad ng nangyari sa mga nakaraan. Sa madaling salita, baguhin na natin ang nakagawiang pagpapaputok sa pagsalubong sa Bagong Taon.

Pangalagaan natin ang ating kalusugan at buhay ng ating kapwa. Magpaingay na lang tayo sa pamamagitan ng torotot, busina ng sasakyan, pagkalansing ng mga tansan, at iba pang hindi makakasakit sa atin at sa ating kapwa. Salubungin natin ang 2023 nang maayos, malusog, walang sugat at masaya!

Pinaghalawan:
https://www.straitstimes.com/asia/se-asia/new-year-casualty-stray-bullet-kills-12-year-old-philippine-girl
https://www.mindanews.com/top-stories/2021/01/girl-12-killed-by-stray-bullet-during-new-year-revelry-in-lanao-del-norte/
https://www.cnnphilippines.com/news/2021/1/1/New-Year-2021-stray-bullet-incident.html
https://newsinfo.inquirer.net/333953/shooter-seeks-forgiveness-for-death-of-4-year-old-boy
https://www.ucanews.com/news/girl-killed-by-new-years-eve-stray-bullet/66998
https://www.philstar.com/headlines/2015/01/02/1408601/stray-bullet-kills-girl-another-fights-life
https://www.manilatimes.net/2014/01/01/news/top-stories/infant-killed-by-stray-bullet/64437

No comments:

Post a Comment

Pamumuno sa grupong SALIKA

PAMUMUNO SA GRUPONG SALIKA Munting pagninilay ni Gregorio V. Bituin Jr. Isang malaking karangalan ang maipasa sa inyong lingkod ang pagiging...