Friday, December 30, 2022

Pahayag ng SALIKA sa Bisperas ng Bagong Taon

PAHAYAG NG SALIKA SA BISPERAS NG BAGONG TAON
Disyembre 31, 2022

HUWAG MAGPAPUTOK NG BARIL AT LABINTADOR!
HUSTISYA SA MGA NATAMAAN NG STRAY BULLET!
HUWAG DAMPUTIN ANG MGA HINDI PUMUTOK NA LABINTADOR!
SALUBUNGIN ANG 2023 NANG MALUSOG, WALANG SUGAT AT MASAYA!

Mahigpit na nakikiisa ang SanibLakas ng Inang Kalikasan sa pagsalubong sa Bagong Taon 2023.

Wish namin na sana'y wala nang magpaputok ng baril sa pagsapit ng Bagong Taon, lalo na't kayrami nang namatay sa ligaw na bala tuwing sasapit ang Bagong Taon sa mga nakaraan. Nariyan ang batang pitong taong gulang na si Stephanie Nicole Ella ng Kalookan, na namatay sa stray bullet noong Bagong Taon 2013. Nariyan din ang mga sanggol na sina Vhon Alexander Llagas at Rhanz Angelo Corpuz. Nasumpak naman sa Mandaluyong ang apat na taong gulang na si Ranjelo Nimer. Mabuti't nahuli agad ang suspek.

Nitong Bagong Taon 2021, namatay ang isang edad 12 babae sa Lanao del Norte, at nasaktan sa ligaw na bala ang isang edad anim na batang lalaki sa Santa Catalina, Negros Oriental, at isa pa mula sa Dagupan City sa Pangasinan. Isa namang pulis-Malabon ang kinasuhan dahil sa indiscriminate firing.

Wala na rin sanang magpaputok ng mga labintador at malalakas na paputok tulad ng plapla, superlolo Goodbye Philippines, Paalam Daliri, at marami pang iba, upang wala nang masaktan at maputulan pa ng daliri, na malaki ang epekto sa kinabukasan ng kabataan. Baka hindi sila matanggap sa trabaho, o kung nais nilang magsundalo o pulis pag naputulan na sila ng daliri. Sasagutin ba ng mga pabrika ng paputok ang gamot ng mga biktima ng paputok? Paano ang kinabukasan ng mga bata?

Pangalagaan natin ang kalikasan at kalusugan. Huwag damputin ang mga hindi suminding labintador, dahil maaari pang pumutok ang mga ito pag nainitan. Agad na linisin ang inyong bakuran at tapat ng kalsada upang hindi magkaroon ng disgrasya, kung sakali man. Huwag ibili ng watusi ang inyong anak at baka ang maliliit ito'y malunok, tulad ng nangyari sa mga nakaraan. Sa madaling salita, baguhin na natin ang nakagawiang pagpapaputok sa pagsalubong sa Bagong Taon.

Pangalagaan natin ang ating kalusugan at buhay ng ating kapwa. Magpaingay na lang tayo sa pamamagitan ng torotot, busina ng sasakyan, pagkalansing ng mga tansan, at iba pang hindi makakasakit sa atin at sa ating kapwa. Salubungin natin ang 2023 nang maayos, malusog, walang sugat at masaya!

Pinaghalawan:
https://www.straitstimes.com/asia/se-asia/new-year-casualty-stray-bullet-kills-12-year-old-philippine-girl
https://www.mindanews.com/top-stories/2021/01/girl-12-killed-by-stray-bullet-during-new-year-revelry-in-lanao-del-norte/
https://www.cnnphilippines.com/news/2021/1/1/New-Year-2021-stray-bullet-incident.html
https://newsinfo.inquirer.net/333953/shooter-seeks-forgiveness-for-death-of-4-year-old-boy
https://www.ucanews.com/news/girl-killed-by-new-years-eve-stray-bullet/66998
https://www.philstar.com/headlines/2015/01/02/1408601/stray-bullet-kills-girl-another-fights-life
https://www.manilatimes.net/2014/01/01/news/top-stories/infant-killed-by-stray-bullet/64437

Thursday, December 29, 2022

Pahayag ng SALIKA sa ika-126 na anibersaryo ng pagbitay kay Dr. Rizal

PAHAYAG NG SALIKA SA IKA-126 NA ANIBERSARYO NG PAGBITAY KAY DR. RIZAL
Disyembre 30, 2022

GAT JOSE RIZAL, MAGITING NA BAYANI, ENVIRONMENTALIST;
NOBELISTANG BINITAY DAHIL SA KANYANG NAGAWA'T SULATIN

Taospusong nakikiisa ang SanibLakas ng Inang Kalikasan (SALIKA) sa paggunita ng sambayanang Pilipino, saanmang panig ng mundo, sa ika-126 na anibersaryo ng pagbitay kay Gat Jose Rizal, isa sa mga pambansang bayani ng Pilipinas.

Ayon sa pananaliksik, nang ipatapon si Rizal ng mga Kastila sa Mindanao, sa Dapitan na bahagi ng Zamboanga, nagsagawa si Rizal ng mga proyektong pangkomunidad sa Dapitan na nagbibigay sa mga tao ng maayos na kalusugan, kalinisan at mga benepisyo sa ekolohiya. Tulad ng proyektong akwedukto o paagusan sa isang tulay na ginawa upang magdala o magpadaloy ng tubig, mula sa batis ng bundok na nagbigay sa mga tao ng Dapitan ng malinis na tubig, ang pagpapatuyo ng mga latian upang makontrol ang pagdami ng mga lamok na malaria, ang pagpapaganda ng liwasang bayan, paggamit ng mga lampara ng langis ng niyog sa pagsisindi ng mga lansangan, at pagtatanim ng mga puno sa iba't ibang bahagi ng bayan.

Bilang manggagamot, inatal din ni Rizal ang mga lokal na halamang gamot at inireseta ang mga ito sa kanyang mahihirap na pasyente upang maibsan ang kanilang mga problema sa kalusugan.

Kaya sa mismong Araw ng Pagbitay kay Rizal, kami sa SALIKA ay mahigpit na kinikilala si Dr. Jose Rizal bilang halimbawa ng magiting na bayaning environmentalist, na hindi lamang sumulat ng dalawang nobelang nagmulat sa sambayanan upang lumaya sa kuko ng mga mapaniil at mapagsamantalang dayuhan at kababayan, na nagdulot ng pagbitay sa kanya noong umaga ng Disyembre 30, 1896, kundi pati ang kanyang mga halimbawa ng pangangalaga sa kalikasan at kapaligiran na nakatulong sa mga tao upang maging malusog, malakas, at makakalikasan.

Mabuhay ang mga pamana ni Gat Jose Rizal! Mabuhay si Rizal, ang environmentalist! Halina't gawin natin siyang inspirasyon at tularan ang kanyang mga halimbawa para sa kinabukasan ng mga susunod pang salinlahi!

Pinaghalawan:
http://ecowastecoalition.blogspot.com/2011/06/environmentalists-hail-dr-jose-riza-as.html
https://www.philstar.com/business/science-and-environment/2018/12/27/1880037/looking-rizal-environmentalist

Monday, December 26, 2022

Pahayag ng SALIKA sa International Day of Epidemic Preparedness

PAHAYAG NG SALIKA SA INTERNATIONAL DAY OF EPIDEMIC PREPAREDNESS
Disyembre 27, 2022

MAGKAISA! MAGHANDA PARA SA HINAHARAP!
PROTEKTAHAN ANG KALIKASAN
AT KALUSUGAN NG MAMAMAYAN!

Taospusong nakikiisa ang Saniblakas ng Inang Kalikasan (SALIKA) sa paggunita sa International Day of Epidemic Preparedness o Pandaigdigang Araw ng Paghahanda sa Epidemya tuwing Disyembre 27.

Noong Disyembre 2019 ay sumulpot ang coronovirus disease of 2019 o COVID-19. Mula diumano sa Tsina ang virus na ito, at kumalat sa buong daigdig. Dahil dito, noong Marso 2020 ay nagsimula na ang malawakang lockdown, at iba't ibang uri ng quarantine, sa ating bansa upang labanan ang COVID-19 at hindi magkahawaan. Walang labasan ng bahay. Maraming nagsarang pabrika. May mga nagprotesta dahil sa gutom, dahil hindi makapagtrabaho, dahil hindi makalabas ng tahanan. 

Marami sa ating mga mahal sa buhay ang nangawala na dahil sa malupit na pananalasa ng COVID-19. Milyun-milyong buhay ang nawala, at daan-daang milyong tao ang nagkasakit. Pinapanood na lang natin sa telebisyon, napapakinggan sa radyo, at nababasa sa mga pahayagan at sa social media, ang mga datos ng namatay, natamaan ng COVID-19, at mga gumaling. Ang pag-aaral ng mga estudyante ay naging online na, pati na ang mga pag-order ng mga pagkain.

Maraming binago ang pandemya. Kung dating kayraming bus sa EDSA na pwede kang ibaba kung saan, ito'y naging bus carousel na, at sa nakatakdang babaan at sakayan ka lamang makakababa o makakasakay. Kung dati, ang naka-facemask ay sinisita ng pulis dahil baka holdaper, lahat na ang obligadong mag-facemask, at ang hindi naka-facemask ay sinisita ng pulis.

Nagdulot din ang COVID-19 ng ilang epekto sa kapaligiran at klima. Dahil sa paghihigpit sa paggalaw at pagbagal ng mga aktibidad sa lipunan at ekonomiya, bumuti ang kalidad ng hangin sa maraming lungsod na may pagbawas sa polusyon sa tubig sa iba't ibang bahagi ng mundo. Subalit sa sangkatauhan, ito'y nakamamatay.

Marahil, ang COVID-19 ay hindi ang huling epidemya o pandemyang kakaharapin ng sangkatauhan. Kaya dapat tayong maging handa. Noong Disyembre 7, 2020, itinalaga ng United Nations General Assembly, sa pamamagitan ng Resolusyon A/RES/75/27, ang Disyembre 27 bawat taon bilang International Day of Epidemic Preparedness o Pandaigdigang Araw ng Pagiging Handa sa Epidemya.

Sa araw na ito, mahigpit na nakikiisa ang SALIKA sa lahat ng mga nagdurusa at namatayan dahil sa epidemyang dulot ng COVID-19. Nawa'y maging handa tayo, maging ang iba't ibang pamahalaan sa buong mundo, mga lokal na pamahalaan o LGU, ospital, barangay, NGO, pamilya, at iba pa, sa paghahanda upang matugunan agad ang anumang pandemya o epidemyang ating kakaharapin sa hinaharap.

Pinaghalawan:
https://www.un.org/en/observances/epidemic-preparedness-day
https://unis.unvienna.org/unis/en/pressrels/2022/unissgsm1293.html
https://www.ncbi.nlm.nih.gov/pmc/articles/PMC7498239/#:~:text=The%20global%20disruption%20caused%20by,different%20parts%20of%20the%20world

Saturday, December 24, 2022

Tula - para sa kapaskuhan

TULA NG PAGBATI

Maligayang Pasko, mula sa SALIKA
o Saniblakas ng Inang Kalikasan
nasa mabuti pong lagay kayo sana
pati na rin ang ating kapaligiran

sino bang aasahan ng bawat isa
upang tahanang mundo'y pangalagaan
di ba't tayo-tayo rin, kapwa, ang masa
ang magtatanggol sa tanging daigdigan

tara sa bagong simula, mag-SALIKA
mag-organisa para sa kalikasan
tara, mag-join tayo, SALIKA, sali na
magkaisa para sa kinabukasan

muli, SALIKA'y bumabati sa inyo
ng mapagpalaya't maligayang Pasko

12.25.2022

Friday, December 23, 2022

Salika - munting sanaysay

SALIKA
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nang mabatid kong inilipat na sa akin ang pagkapangulo ng SALIKA (Saniblakas ng Inang Kalikasan, na sa kalaunan ay ginawang Saniblakas ng mga Aktibong Lingkod ng Inang Kalikasan), upang dumalo sa Green Convergence General Assembly 2022 noong Oktubre 14, 2022, ay nag-isip na ako ng plano para sa SALIKA.

Naorganisa ito noong bandang 2002, kung saan isinulat ni Sir Ding Reyes na naging Vice Chair ng SALIKA ang artistang si Roy Alvarez. http://love-life.faithweb.com/kamayan-journal-01.htm 

Nagkaroon muli ng halalan sa Kamayan para sa Kalikasan forum bandang 2008 o 2009 ay nagkaroon ng halalan at nahalal akong Bise Presidente, at ayon sa http://saniblakas.8m.net/ ay ganito ang nakasulat:

Mandate / Mission: Study and Promote the Synergism Principle and Build Actual Synergies for GREEN ACTIVISM AND DEEP ECOLOGY

Activities / Projects: monthly forum in NCR, with website extension; secretariat work for annual WED-Philippines commemorations; ladderized education services and partnerships for Green Activism, with development of modules and learning aids.

Current Leaders: George Dadivas, Greg Bituin, Marz Zafe, Pia Montalban, Des Segovia, Tony Cruzada, Rene Pineda

Website: <http:/salika.8m.net>; <http:/kamayanforum.8m.net>

Kilala rin ni misis ang SALIKA noon pa man, at siya na ang nagbayad para sa taunang membership ng SALIKA sa Green Convergence.

Kailangang buuin ang bagong pamunuan, at pag-aktibuhin ang mga nawala sa larangan. Kumustahin pa ang mga naririyan. At sa 2023 ay magkahalalan.

Kailangang balikan ang kasaysayan ng SALIKA at ano ang mga nagawa nito, ang Bisyon, Misyon at Hangarin (VMG) nito.

Kailangang muling buhayin ang binuo ko noong Diwang Lunti, na pahayagang pagkalikasan, na nakailang labas na rin naman.

Kailangang simulan ito sa gawaing kampanya hinggil sa kalikasan, kaya maglalabas ito maya't maya ng pahayag at paninindigan hinggil sa mga nagaganap sa kalikasan (nature), kapaligiran (environment), bayan (country), lipunan (society), kalinangan (culture), daigdigan (Earth).

Kailangang gamitin ang orihinal na logo ng SALIKA.

Kailangang ayusin ang rehistro nito kung wala pa.

Kailangang mangalap ng mga bagong dugo para sa kalikasan.

Kailangang kausapin ang ilang talagang kakilala upang maging bahagi ng SALIKA.

Pinag-iisipang ibalik sa dating pangalang Saniblakas ng Inang Kalikan upang mas madaling tandaan, dahil masyadong mahaba ang Saniblakas ng mga Aktibong Lingkod ng Inang Kalikasan. Marami ring kasing lumabas na iba-iba, tulad ng Saniblakas para sa Inang Kalikasan, Saniblakas ng mga Aktibo sa Kalikasan. Dapat isa lang. Yung una, at naabutan ko, ang siyang ating gagamitin.

Kailangang magpatatak na ng tshirt ng SALIKA upang makita na ng iba na mayroon palang ganitong samahan.

Kailangang gumawa ng brochure ng SALIKA.

Kailangang pag-isipan at pag-usapan ang klima, polusyon, basura, plastik, upos, mga batas, at marami pang isyung pangkalikasan.

Kailangan na itong simulan muli. Dahil nakakahiya na naging presidente ka ng isang organisasyon ngunit walang plano.

Sa 2023 ay dapat umaarangkada nang muli ang SALIKA.

May sanaysay at tula pala akong nalathala sa  magasing Tambuli ng Dakilang Lahi, isyu ng Setyembre 2006, pp. 20-21, na nilagay ko sa aking blog. Tingnan ang kawing na:
https://asinsasugat.blogspot.com/2008/04/salika-yo.html

Pamumuno sa grupong SALIKA

PAMUMUNO SA GRUPONG SALIKA Munting pagninilay ni Gregorio V. Bituin Jr. Isang malaking karangalan ang maipasa sa inyong lingkod ang pagiging...